https://www.officialgazette.gov.ph/1935/11/15/inaugural-address-of-president-quezon-filipino-november-15-1935/ Inaugural Address of President Quezon (Filipino), November 15, 1935 November 15, 1935 Talumpatí ng Marangál at Kagalang-galang na Pangulo ng Pilipinas Manuel L. Quezon sa Pagpapasinaya ng Pámahalaang Malasarili [Idinaos sa Harapán ng Gusalí ng Batasáng-Bansa, ika-15 ng Nobyembre, 1935] MGA KABABAYAN: Sa paggamit ng inyong karapatáng kaloob ng Saligáng-Batás, inihalál ninyo akong Pangulo ng Malasariling Pámahalaan. Pinasásalámatan ko nang taós sa kaibuturan ng pusó ang bagong katunayang itó ng inyong pagtitiwalá sa akin, at sa tulong ng Maykapál ay dí ko pabábayaang mabigó ang inyong pag-asa. Ang kahalagahan ng nangyayaring itóng tinatanghal natin ngayón ay mahigít kaysa ibig-sabihin ng hámak na pagtanggap ng tungkol ng halál ninyong Punong Tagapagpaganáp. Ibinubunsod natin ang daóng ng isáng bagong bansa. Pinasísinayaan natin ang kanyang pámahalaan. Nákikita na natin ang matimyas na bunga ng ating mga katutubong pagpupunyagí sa paglayá. Nasásaksihán natin ang pagwawakás sa isáng kárangal-dangalang gáwaing kailanma’y dí pa náiisipang gawin ng alinmang bansa sa nasásakupang ibáng bayan. At ang kadakilaan ng pagkatupád ng gawaing itó ay pinatútunayan ng walang pagkasyaháng lugod at pasasalámat na ngayóng mga oras na itó’y ipinahahatíd sa Amérika ng labing-apat na angaw na tao. Sa di-kawasa’y natupád din ang magandang pag-asa ni Presidente McKinley—ang paglingón sa likód ng mga Pilipino upáng ipagpasalámat yaóng araw na hinirang ng Tadhanang ikálagáy ng kaniláng tinubuang-lupá sa mapagpalang pámamatnubay ng bayan ng Estados Unidos. Hindi nga alangáng daluhán ng matataas na pinunó ng Pámahalaang Amérikano ang ating mga pagdiriwang ngayón. Ikinalulugód at pinasásalámatan natin ang dito’y kaniláng pakikirayáma sa atin. Sa udyok ng walang-kupas na pagmámalasákit sa ikalalayá nati’t ikaliligaya, ay sadyang sinugó sa atin ng Pangulo ng Estados Unidos, Kárangal-dangalang Franklin D. Roosevelt, bilang tunay niyáng kinatawán, ang Kalihim-Digmá, Kgg. na George H. Dern, isáng dakilang amerikanong datihan nang mapagmahál na kaibigan ng bayang Pilipino. Ang Pangalawáng Pangulong Garner, ang Espiker Byrns, mga tanyag na kagawad ng Senadong kinábibilangan ng kanilang plurlider na si Senador Robinson, at mga tanyag ding kagawad ng Mababang Kapulungan, ay para-parang nagsipaglakbay dito, na tumawid ng may sampung libong milyang agwat, upáng makita lámang at masaksihán ang kabanatang itó ng kasaysayan natin. Sa pagkakádaló nilá rito ay inaarí kong kaharáp na rin natin ngayón ang buóng Bansang Amérikano at nakíkipagdiwang sa atin sa pagkatupád ng marangál na pangako ng Amérikang bibigyan ang bayang Pilipino ng kalayaa’t pagsasarilí. Lubós ang aking pag-asa na ang buklod ng kagandahang-loob at pagmamáhalang ikinákakabit ng Pilipinas sa Amérika ay di-malalagót, bagkus lalong magtitibay kung lúbusan nang maputol ang dating kapangyarihan niyá sa atin. Sa ngalan ng bayang Pilipino, ay ipinahahayag ko rin namán ngayón ang lalong mataós na pag-giliw at pasasalámat sa káhuli-hulihang Gobernador-Heneral natin, Kgg. na Frank Murphy, alang-alang sa makatwiran at tumpak niyáng pag-kakápangasiwá at gayón din sa di-hahámak na mga pagtulong niyáng ginawá sa atin upáng mapagaan ang lalong mabibigát na gáwaing binalikat natin sa pagtatayó ng mga patakará’t balangkas ng ating bagong Pámahalaan. At yayámang tayo’y bumubungad na sa pagka bansang malayá at nagsasarilí, ináanyayahan ko kayóng manahimik muna tayong sandalí, at dili-dilihin ang kagitingán ng ating mga Rizal at Bonifacio, gayón din ng lahát na mga iba pang bayani nating nangasawí sa paglilingkod at pag-papakasákit sa ikaiutubós ng Ináng-Bayan. mga mahál na kababayan: Ang pámahalaang ating pinasísinayaan ngayón ay isáng kasangkapan lámang o paraan sa ikapagtatamo ng isang layon. Kasangkapan itong inilalagáy sa ating mga kamáy upáng tayo na rin ang makapaghandá ng ating sarili sa pagdadalá ng mga sagutin ng ganáp na kasarinlan. Kinákailangan ngang ang káhuli-hulihang hakbang na itó ay lúbusang mapaghuló sa buó niyáng katuturán at mapagkilala rin namán ang malalakíng biyaya’t pagkakátaóng máidudulot sa atin. Sa ilalim ng Malasariling Pámahalaan, maaaring ang kabuhayan natin ay di-magíng magaan at maginhawa, bagkus laló pang magíng mabigat at mahirap. nguní, pakíkiharapán natin ang bawa’t súliraning másasagupá sa dáraanan, gaanumáng panahón at pagsisikap ang kailanganin sa paglutas. Magbabangon tayo ng isáng pámahalaang matuwíd, malinis, mabisá at malakás, upáng sa ganitó’y magíng matibay at matatág sa habang panahón ang Repúblikang daratíng,—isáng pámahalaan, sámakatwid, na makasasapát di-lámang sa mga kasalukuyang pangangailangan kundí gayón din sa mga kákailanganin sa panahóng hinaharáp. Hindí na natin kailangang maggibá pa ng kasalukuyang balangkas ng mga kapisanang-bayan at ng matitibay na pinagkáugalian upáng magkaroon ng isáng gusaling lalong maganda’t matatág. Walá tayong gagawing mga pagahasang pagbabago sa mga kasalukuyang ayos at lagáy, maliban sa mga bagay na totoo na lámang kailangan upáng makasunód sa mga kabaguhang itinatakdá ng Saligáng-Batás. Sa katagáng sabi’y magtatayó tayo ng isáng bagong gusalí, hindí sa ibabaw ng mga abó ng kahapon, kundí sa ibabaw ng mga kasangkapa’t pátakarang matibay ng kasalukuyan. Ang pagpipitagan sa batás, ayon sa ipinahahayag na kalooban ng bayan, ay siyáng saligáng-lakás ng isáng pámayanan at pámahalaang demokrátiko. Ang pag-aalagá sa kapaypaan at kaayusang-bayan ay kapwá mahigpit na tungkulin ng pámahalaan at ng mámamayan. May lubós akóng pananalig sa kabutihang-loob ng ating bayan at sa kanyang pagka-magalangín sa batás, gayón din sa nátatatág na kapangyarihan. Ang pag-laganap ng mga kagúluhang-bayan at ang mga pagsusuwaíl sa batás ay maaaring magíng sanhí ng pagbagsak ng pámahalaang kostitusyonal at siyáng ikapaghimasok ng Amérika. Magíng sa panahon man ng pagsasarilí na, kung mapagkitang walá tayong káyang mangalagá ng buhay, kalayaan at arí-arian ng mga kababayan at ng mga dayuhan, ay mápapain tayo sa panganib na pakialamán din ng mga ibáng bansa. Walá sínumang makapagmámaang-maangan sa nararapat gawín ng Pámahalaan sa mga taong naninikís sa batás o sa mga kilusán ng panliligalig. Mararahás na parusa ang kasukat ng kaniláng gawa. May mga sapat na hukbong sandataháng nakatalagá sa lahát ng oras upáng mapigil at sugpuín ang alinmang paghihimagsik laban sa kapangyarihan ng Estados Unidos. Hindí magkákaroon ng pagkásulong kung dí sa lilim ng mayabong na kapayapaan. Kung walang kapayapaan at kaayusang-bayan ay di-maaaring mapaunlad ang pagtuturó ng mga karunungan, di-mapabubuti ang lagáy at lakad ng kabuhayan ng karamihang mámamayan, ni matátangkilik ang dukhá at mangmang laban sa pagsasamantalá, at dí rin mapanínindigán ang tiyák na pananagano ng madlá sa kabuhayan, kalayaan at arí-arian. Hinihingí ko ngá sa bawa’t mámamayan ang kanyang matapát na pagtulong sa Pámahalaan, at nang sa ganitó ang katiwasayá’y maghari sa pinakaiibig nating bayan. Ang ating Saligáng-Batás ay nagtatatág ng húkumang may kalayaan o kapangyarihang sarili sa pámamagitan ng ibinibigáy na kapanatagán at mga pabiyayá sa mga hukóm. Datapwa’t ang kalayaan ay di-sukat na siyá lamang magíng layunín ng isáng mabuting húkuman. Kailangan din namán, at kaipala’y mahigit kaysa kalayaan, ang matibay na karangalan ng mga hukóm na sukat lámang mátamo sa isáng maingat at matalinong pagpilí sa kanila. Ang pangangasiwa ng katarungan ay dí magkakauring mataas kung mababa ang uri ng kaasalan at kakayahan ng mga taong maghahawak niyan. upáng mapatibay ang katatagan at makapagpairal ng isáng maayos at wastong pámahalaan, ay panata kong sa paglalagáy ng magsisiluklok sa mga nasabing katungkulan, ang pipiliin ko lámang ay mga taong kilala sa kalinisang-asal, sa katibayang-loob, sa kakayahan at talino, upáng ang sinumang humaharap sa mga hukuman ay makapagtiwalang ang mga katwiran niya’y kakalingain, at walang tao sa bayang ito, mula sa kátaas-taasang Punong Tagapagpaganáp hanggan sa lalong mababang mámamayan, na ma-kapaííbabaw sa batás. Ang kabuhayan natin ngayón ay tumatawíd sa laot na madaluyong at mabagabag ng isá sa mga lalong maselang na panahon ng ating kasaysayan. Dami ng mga walang hanapbuhay at bigát ng kabuhayan ang bumabalisa sa kapanatagán ng mga pámahalaan sa sandaigdig. Matitibay mang saligán ng kabihasnan ng mga bansa’t kapisanan ay kasalukuyang nangayayaníg. Nasa pangkaraniwang tao lamang ang ikaliligtas ng sangkatauhan sa ganyang kapahamakán. Tungkulin nating patunayan sa kanya na sa lilim ng isáng pámahalaang republikano o sadyang makabayan ay maaarí siyáng magkaroon ng lahát nang pagkakataón sa pagkita ng ligaya ng kanyang sarili at ng sa kanyang mag-anak. Pagtangkilik sa paggawá, lubhá pa sa mga manggagawang babae at mga batá, tumpak na pamamalakad sa pagsasámahan ng paggawá at puhunan sa mga págawaan at sa mga pagsasaka, maagap na pagmamalasákit ng pámahalaan sa ikagíginhawa ng buhay ng karamihan ng mga taung-bayan, itó ang mga paraang maka-pagbibigáy ng kapanatagán sa mabuwáy na timbangan ng pamumuhay at pagsasamahán ng mga iba’t-ibáng bahaging bumubuo ng sambayanán. Ang ikinabubuhay ng isáng pámahalaan ay nanggagaling sa nalilikom niyáng mga pananalapi, at dapat na magkátimbangan ang kanyang mga kinikita at ginugugol, katulad ng alinpámang sámahan sa pangangalakal, kung talagáng ibig mabuhay. Tungkulin ko ngang pagsikapang ang Malasariling Pámahalaan nati’y magkasya sa loob lamang ng kanyang kaya, anupá’t mapatatág ang kanyang tayó at lakad sa magkatimbang na pasok at labás ng salapí. Ang lalong malalaking gugulíng kinákaharáp at panánagután natin, kabilang na patí ukol sa ating tanggulang-bansa, ay dapat magbuhat sa mga pa-buwís. Hangga’t may ibá tayong mapagkukunan ng maipagtatakíp sa mga ságuting itó, ay íiwasan natin ang pagpapataw ng mga bagong buwís. Subali’t sa sandaigdig ay kabilang ang bayan natin sa mga nagbabayad ng lalong mabababang kabuwisan, kayá kung may limulitáw na mga bagong pangangailangan, ay marapat namán sanang lumaan at sumang-ayon tayo sa pagdaragdag ng pabuwís. Ang kalayaan at pagsasarilí ay nababagay lamang sa mga náhahandang magbayad ng halagá nito sa buhay ma’t kayámanan. Upáng makaharáp tayo nang lalong malakás at matatág sa mga bagong ságutin ng Malasariling Pámahalaan, at upáng mapataas pa ang uri ng pamumuhay ng ating bayan, ay kailangan nating magpalaki, hangga’t maaari, ng kayamanan ng ating Bansa sa pámamagitan ng mga lalong pag-papasigla sa ikáuunlad ng ating kabuhayan, sa pagpapabuti ng mga pamamaraan sa pagsasaka, sa pagpapaiba-ibá ng mga pananím, sa paglikhá ng mga bagong industriya o hanapbuhay at sa pagpapalakas ng ating mga pangangalakal sa loob at labás. Umaasa akóng ang daratíng na panayám ukol sa pagkakálakalán ng mga kinatawán ng Estados Unidos at ng Pilipinas ay magbubunga ng lalong tumpak at mapakinabang na pagpapálagayang-kalakal ng dalawáng bansa. Ang pagtatatag ng isáng pámahalaang matipíd, magaan at mabisá; ang pagpapairal ng isáng serbisyo sibil na malayá; ang pagpapairal ng isáng angkop na pamamaraan ng pagtuturó sa bayan, na makapagpápaunlad ng malinis na kaugalian, makahuhubog sa mga hilig ng tao, makagigising ng budhing makabayan, at makapagpápalusóg ng káya sa mga gáwain; ang pangangalaga sa kalusugán at sigla ng lahí; ang pangangalaga at pag-papaunlad ng ating mga likás na kayámanan—ang mga itó at ibá pang bagay na mahahalaga ay sadya’t táhasan nang tinutukoy sa palátuntunang pampámahalaan ng Koalisyon at sa aking talumpati nang tanggapín ko ang pagkakáhirang na ako’y kandidatuhin; kaya dí na mandin kailangang ulitin ko pa ang aking mga pagkukuró tungkol sa mga gawaing iyán. Yayámang ako’y náhalal sa bisá ng násabing palátuntunan at ng mga ipinahayag kong panihalá sa buong panahón ng pakikitunggalí sa pagkakandidato sa pánguluhán, ay inuulit ko ngayón ang aking pangakong ang lahat nang iyá’y buong katápatang-loob na aking gáganapín. Pakikipagmágandahang-loob sa lahát ng bansa ang magiging tuláy na gintó ng aking pangangasiwá. Ang mga bayan sa sandaigdig ay para-parang nagkakáugnayan ng mga pangangailangan, at ang kaunlarán nilá’t kaligayahan ay nagkakákawíng-kawíng na di-sukat máhiwaláy ang isá sa isá. Ang pagkakápatiran at pagtutulungán ng mga bansa ay tunay na kailangan. Matalik na pakiki-pagkaibigan, mabuting pakikisama, matuwíd at marangál na pakikipag-únawaan sa mga ibang bansa at sa kaniláng mga tauhang náririto, makatwirang pagkalinga sa kaniláng mga pamumuhunan at kapakanáng dito’y nátatatág, bilang tumbas sa pagtatapát namán nilá habang nasasa ilalim at nakíkisama sa ating mga kapakanán, pámahalaan at mga batás na umiiral—iyán ang mga tiyák na pagpapalagáy na sa ngalan ng bagong Pámahalaan ay maihahandog ko sa mga Amérikano at sa mga taga-iba pang bansang nagnanasang makipamuhay, makipagkálakalán at makisama sa bálanang paraan sa atin dito sa Pilipinas. Sa sakdal-bibigát na mga gáwaing bábalikatin natin upáng máihandá ang atin ding sarili sa pag-tanggap ng ganáp na kasarinlan, ay di-malayong makasagupa nga tayo ng malalaking balakíd sa landas na pagdáraanan, subali’t táhasan tayong magpápatuloy ng lakad. Tinátawagan ko ang inyong mga kagitingán at inaantig ang karangalan ng inyong mga budhi’t pusó, upáng tayo, sa tulong ng matibay na pagkakáisang-loob, ay minsan pang makapaghandog ng ating sarí-sarili sa ika-gaganáp ng mithiin nating panlahát, na dili ibá’t ang dakilang kapalaran ng ating bansa. Buóng pag-asa at katiningang-loob na pakíkiharapán ko ang daratíng, at lubós ang pananalig kong kailanma’y di-pabábayaan bagkus pápatnubayan ng kamáy ni Bathalá ang isáng bayang lagí nang umáalinsunod sa Kanya. Bigyan nawá Niyá ako ng ilaw, lakás at tapang upáng akó’y di-máligáw ni magkulang sa paglilingkod sa aking bayan! MANUEL L. QUEZON Pangulo ng Pilipinas MAYNILA, ika-15 ng Nobyembre, 1935. Source: University of the Philippines Main Library This entry was posted under Historical Papers & Documents, Speeches and tagged Commonwealth of the Philippines, Manuel L. Quezon, speeches. Bookmark the permalink.